Yesterday, I asked a 25-year-old what he thought of the Marcos burial. He said people should just forgive. And I told him, does forgiveness entail having a plunderer and human rights violator buried as a hero?

Imagine this.

Gaya na lahat ng tao, may tatay ka. Tatay na may tungkulin na ikaw ay pag-aralin at bigyan ng magandang buhay. Kaya lang, imbes na gawin ito, kinukuha pa ng tatay mo ang allowance mo sa iyong scholarship at ginagamit ang pera para ibili ang sarili niya ng Rayban shades at Florsheim shoes. Kailangan mong maglakad papuntang paaralan na walang laman ang tiyan kasi ang tatay mo mahilig maglustay ng pera sa pagbabarkada.

Dahil wala ka na ngayong pantustos sa iyong pag-aaral, naikwento mo sa mga kaibigan ang nangyari. Ngayon, may narinig ang tatay mo sa diumanong mga sinabi mo. Galit na galit siya at nabahiran ang kanyang pangalan. Inutusan niya ang iyong mga pinsan na gawin ang lahat para bigyan ka ng leksiyon.

Isang araw, yung pinsan mo at dalawa niya pang kaibigan, bigla ka na lang hinarang sa daan at pinasok sa isang building. Sinigawan ka at inalipusta. Tinawag na tsismosa at walang utang na loob. Sinampal ng paulit ulit at pinaso ng sigarilyo. Maya-maya, pinunit na ang iyong damit at ikaw ay ginahasa. Tatlong beses, habang kung ano-anong bagay ang pinasok sa iyong ari. Nawalan ka ng malay.

Pagkagising mo at pag-uwi mo ng bahay, sinalubong ka ng bugbog ng iyong tatay. Kinulong sa kwarto ng isang linggo. Di mo naintindihan ang nangyari. Pero alam mong na para ikaw ay mabuhay, kinailangan mong magpanggap na walang nangyari.

Pinatuloy mo ang iyong pag-aaral. Nagkatrabaho. Nagkapamilya ka. Nabuhay sa pinakamaayos na paraan na alam mo.

Namatay ang iyong tatay. At nalaman mo rin na ang iyong bunsong kapatid ay nakaranas rin ng nangyari sa iyo.

Makalipas ang ilang araw, ang inyong Neighborhood Association President na si Tatay Digong gustong parangalan niyo ang iyong tatay bilang “Exemplary Father.” Magkakaroong ng pagdiriwang at ang gagamitin na pera ay yung kinolekta sa inyo para sana sa mga proyekto ng inyong lugar.

Marami ang tumutol. Marami sa inyong lugar napagnawakan rin at nabugbog ng mga tauhan ng iyong tatay. Pero sabi ni Tatay Digong, magpatawad naman kayo. Na para bang kayo pa ang masama dahil di kayo marunong magpatawad kahit na ni minsan di kinilala ng iyong ama ang mga masasamang nagawa niya, nagsisi man o humingi ng tawad.

TANONG: Bakit kayo pa ngayon ang sinisingil ng mga kasabwat ng nang-api sa yo? Bakit naging issue ang pagpapatawad? Bakit naging pasanin mo pa na hayaan na ang sakim na tatay mo ay parangalan bilang “Exemplary Father”,  gayong alam mo na ang katotohanan ay ang kabaligtaran. Maari ngang matagal mo nang napatawad ang iyong tatay. Maaring hindi mo pa siya napatawad.  Kahit ano pa man, di mo kailangan patunayan na ikaw ay marunong magpatawad.  At di kailangan ihirang na “Exemplary Father” ang isang mapang-abusong tatay para magkaroon ng kapatawaran.

P.S. And to all those who would insist that Marcos is not being hailed as a hero by virtue of his burial at LNMB, do not even attempt any legalistic or technical argument. Just contemplate on the word: SYMBOL.